RESTORATIVE JUSTICE

Restorative justice advocacy ng Simbahan, pinalakas pa

Lumagda ang Caritas Manila Restorative Justice Ministry at Department of Justice sa isang memorandum of agreement upang lalong palakasin ang formation program sa mga bilanggo.

Itinuturing ni Caritas Manila executive director at Radio Veritas President Father Anton CT Pascual na isang nakapagandang development ng ugnayan ng Simbahan sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsanib puwersa upang tulungan ang mga bilanggo na makapagbagong buhay at makabalik sa lipunan.

Ayon kay Father Pascual, pinalalakas ng kasunduan ang adbokasiya ng Simbahan sa pagbibigay ng spiritual at material na gabay sa mga preso.

“Ito’y napakahalaga lalung-lalo na sa administrasyon ni President Digong na na-renew ang partnership sa pagitan ng Caritas Restorative Justice Ministry, Bureau of Corrections at D-O-J for the next 3 years. Ito ay isang napakagandang development sa ating ugnayan sa pamahalaan para matulungan ang ating mga bilanggo na makapagbagong buhay at mabigyan ng bagong pag-asa na maging mabuting mamamayan. Mayroon tayong mga spiritual formation, livelihood program, sacramental appreciation at values formation sa mga bilanggo sa national bilibid.” pahayag ni Father Pascual sa Radio Veritas

Sinabi ng pari na pagpapatunay din ito na ang Simbahan at pamahalaan ay dapat magkaisa at magtulungan para sa common good dahil iisang mamamayan ang pinaglilingkuran nito.

Tiniyak naman ni DOJ undersecretary Atty. Reynante Orceo na ang M-O-A ay tunay na magpapalakas at magpapatibay sa mga programa ng Caritas Manila sa loob ng mga bilangguan.

Nilinaw ni Orceo na mas bibigyan ng malaka na recognition ang mga bilanggo na dumaan sa training at programa ng Caritas Manila para mabawasan ang kanilang sentensiya kapag sila ay maka-graduate.

Tama po, magkakaroon ng hindi lamang moral and spiritual aspect kundi may legal side na yung ginagawa ng Caritas dahil magkakaroon na ito ng recognition para yung magga-graduate ay babawasan ang prison terms. And at the same time it’s a dual approach yung mga inmates ay pupuwede na magkakaron ng pag-asa na kapag umattend pala ng Caritas trainee meron silang pagkakataon na mabawasan ang kanilang mga sentensiya.” paglilinaw ni Orceo

Naninindigan si Orceo na mahalaga ang formation aspect sa mga bilanggo dahil alam niya na habang may buhay ang tao ay may pag-asa na magbago.

Iginiit din ni Atty. Benjamin de los Santos, director general ng Bureau of Corrections na mahalaga ang memrondum of agreement dahil katuwang ng pamahalan ang Simbahan sa pagbibigay ng formation sa mga bilanggo na maging kapaki-pakinabang kapag sila ay nakalaya na.

Naunang ipinapaalala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa lahat na bigyan ng pagp-asa ang mga makasalanan.