1500 scholars ng Caritas Manila, magtatapos ngayong 2022

Higit sa isang libo at limang daan scholars ng Caritas Manila ang inaasahang magsisipagtapos ngayong taon sa kabila ng krisis na dulot ng pandemya.

Ito ang inihayag ni Ms. Maribel Palmitos, Program-in-Charge ng Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP ng Caritas Manila kaugnay sa pagpapatuloy ng kanilang scholarship program sa mga mahihirap na kabataan sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Ayon kay Palmitos, sa kabila ng epekto ng pandemya at pinsala na iniwan ng bagyong Odette partikular sa Visayas at Mindanao ay aabot sa isang libo limang daan at apat na pu’t anim (1,546) na scholars ang magsisipagtapos ngayong School Year 2021 – 2022.

Aminado si Palmitos na naging matatag at nagsumikap ang mga kabataan na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kabila ng mga suliranin tulad ng pagharap sa blended learning education at iba pang mga pagsubok na dala ng kahirapan.

“Meron tayong ine-expect na 1, 546 na ga-graduate ngayong 2022, inaasahan natin na talagang sila ay subok na sa mga challenges kasi nag-pandemic tapos nagkaroon ng bagyo at lahat sila nagsusumikap at nakaka-inspire sila kasi sinasabi nila makakabangon din tayo,” paglalahad ni Palmitos sa panayam ng programang Caritas in Action.

Sa kabuuan ay mayroong apat na libo, anim na raan at tatlumpu’t siyam (4,639) na scholars ang Caritas Manila sa buong Pilipinas.

Bagamat humarap sa pagsubok na dala ng pandemya, mas tumaas ang bilang ng mga scholars ng Caritas Manila ngayong kasalukuyang taong pampaaralan.

Noong school year 2020 to 2021 ay mayroon lamang 3,960 na scholars sa ilalim ng YSL Program.

“Mas marami ngayon pandemic na nag-apply ng [scholarship] kasi mas marami ang nangangailangan ng tulong lalo na sa panahon ngayon na maraming mga magulang ang nawalan ng hanapbuhay,” paliwanag pa ni Palmitos.

Nagpapasalamat naman ang Caritas Manila sa patuloy na pagbabahagi ng tulong at suporta ng marami sa mga mananampalataya para maipagpatuloy ng mga mahihirap na kabataan ang kanilang kagustuhan na magkaroon ng sapat na edukasyon at mapaganda ang kanilang buhay.

“Sa lahat ng mga donors, sa mga volunteers at sa mga nagbibigay sa atin gaano man kalaki basta mula sa puso maraming salamat po sa inyong tulong at kami po ay bukas loob na nagpapasalamat at umaasa na marami pa tayong matulungan sa mga darating na panahon,” ani pa ng Program Head ng YSL.

Batay sa isang pag-aaral noong taong 2017, lumalabas na 23 porsyento lamang ng mga Pilipino ang nakakatapos ng kolehiyo dahil sa kawalan ng sapat na pagkukunan ng pangtustos sa pag-aaral.

sinisikap ng Caritas Manila na magbigay ng pagkakataon sa mga mahihirap na kabataan na makatapos ng kolehiyo para sa mas magandang oportunidad at kinabukasan.

  • 1
  • 2

BE A #GIFTEDTOGIVE DONOR TODAY.

Caritas Manila is the leading social arm of the Archdiocese of Manila and the integrator of the Church social services and development in Metro Manila.

Contact Us

Caritas Manila is always at your service

Give Us a Call
+632 8562-0020 to 25


© 2022 Caritas Manila | Powered by: iManila