Caritas Manila, inilunsad ang HAPAG-ASA feeding program sa St. John Bosco Parish
Inilunsad ng Caritas Manila sa pamamagitan ng Caritas Damayan ang Nutrition and Feeding Program sa Saint John Bosco Parish sa Tondo, Manila.
Ang programa ng social arm ng Archdiocese of Manila na mas kilala bilang Hapag-Asa Feeding Program ay naglalayong matugunan at maiwasan ang dumaraming bilang ng mga batang nakakaranas ng kagutuman at malnutrisyon.
Katuwang ng Caritas Manila ang Rotary Club of Makati (RCM) na naglaan ng P500,000 pondo bilang pansuporta sa programa ng institusyon sa loob ng anim na buwan para sa higit-150 mga bata na saklaw ng parokya.
Ayon kay Caritas Manila Executive Director Fr. Anton CT Pascual, mahalagang mabigyang-pansin ang suliranin ng malnutrisyon sa bansa lalo na sa mga kabataan nang sa gayon ay makatulong sa pagkakaroon ng malusog at maayos na pangangatawan at isipan.
“We have to save the child as soon as possible at ito nga mayroon tayong six months program na Hapag-Asa para maligtas ang bata at mabigyan ng mas normal na kinabukasan,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, nangako naman si Rotary Club of Makati President Luis Angel Aseoche na ang organisasyon ay patuloy na tutulong at susuporta sa mga adhikain at programa ng Caritas Manila.
Pagbabahagi ni Aseoche na bagamat magtatapos na ang kanyang termino bilang pangulo ng RCM sa Hunyo 30 ay ipagpapatuloy at paiigtingin naman ng susunod na pamunuan ang pagpapabuti sa nutrisyon at pagtugon sa kagutuman ng mga bata mula sa mga mahihirap na komunidad.
“Tamang-tama sa transitioning from my term to the next term, we have as beneficiaries children of school age because they need to have good nutrition for their brains to develop and for them to have a fighting chance to succeed in life and to improve their economic conditions,” ayon kay Aseoche.
Nagpapasalamat naman si Fr. Gaudencio Carandang, Jr., kura paroko ng St. John Bosco Parish-Tondo sa inisyatibo ng Caritas Manila dahil sa patuloy nitong pagtulong sa mga mahihirap na pamilya lalo na sa pagtugon sa kagutuman at malnutrisyon ng mga bata.
Tinatayang aabot na sa higit-5,000 ang benepisyaryo ng Hapag-Asa Feeding Program ng Caritas Manila.
Batay sa pag-aaral ng United Nations Children’s Fund o UNICEF noong 2021, nasa 45-milyong mga bata ang nakakaranas ng labis na epekto ng malnutrisyon sa buong mundo.